11 sinuyod ni Kamatayan sa Cavite, Rizal

Siyam ang kumpirmadong patay sa Rizal habang dalawa sa Cavite sa naganap na magkahiwalay na aksidente sa nabanggit na mga lugar kahapon.

Unang nangyari ang sakuna sa LLDA National Road, Brgy. Looc sa Cardona, Rizal.

Sa inisyal na ulat ng Cardona Municipal Police Station (MPS) sa Camp Crame, sangkot sa karambola ng tatlong sasakyan ang dalawang Isuzu truck at pampasaherong jeep na may plakang DWL 249, alas-6:00 nang umaga.

Kinilala ni Cardona MPS chief Police PCpt. Jhuner Mojares, ang tatlo sa siyam na nasawi na sina Maximo Julian, 60-anyos; John Lester Lambrinto, at Jan Brian Madaya, kapwa estudyante ng ICCT College.

Kabilang sa nasawi ang driver ng pangalawang Isuzu truck na hindi pa rin nakikilala habang sugatan naman ang isa pang driver ng unang Isuzu truck na si Ronillo Caballes, at ang tsuper ng jeep na si Fernando Bandril.

Karamihan sa nasawi ay pedestrian.

Galing ang unang Isuzu truck na may dalang buhangin sa diversion road ng Brgy. Looc nang makabangga nito ang jeep at isa pang Isuzu truck.
Nawalan umano ng preno ang unang trak na bumangga sa pampasaherong dyip.
Sa bilis ng takbo, sinuyod ang ilang taong tumatawid bago su­malpok sa isa pang trak.

1 dosenang
sasakyan sinalpok
Patay naman ang dalawa katao habang mahigit 20 ang sugatan sa trak ding nawalan ng kontrol at suyurin ang 12 sasakyan sa kanyang harapan kahapon sa Mendez, Cavite.

Kinilala ang nasawing sina Rolando Ligsa at Roger Santos, na nagtamo ng grabeng pinsala sa katawan.

Inaalam din ang pagkaka­kilanlan ng 20 sugatang biktima na isinugod sa iba’t ibang pagamutan habang arestado naman ang suspek na si Romeo Sevilla, drayber ng delivery truck na puno ng buhangin.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Corp. Christian Espiritu, alas-7:15 nang umaga, magde-deliver sana ng buhangin si Sevilla nang magwala ang minamaneho nitong trak sa JP Rizal St. Mendez, Indang Road.
Dahil sa puno ng kargang buhangin ang trak ay nahirapan itong magpreno kaya sinuyod nito ang 12 sasakyan.

Kakasauhan ng reckless imprudence resulting to double homicide and multiple homicide and damage to properties ang suspek.(Edwin Balasa/Vick Aquino)