Labing-isang katao kabilang ang apat na kababaihan na sangkot umano sa pagbebenta ng iligal na droga ang naaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lungsod ng Pa­say at Taguig kamakalawa ng gabi.

Sa Pasay City, kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Senior Supt. Tomas Apolinario ang mga nadakip na suspect na sina Joel Juson, 41; Patrick Alcido; Natalia Arroyo at Merielen Navarro, pa­wang mga nasa hustong gulang at kapwa naninirahan sa Macopa St., Brgy. 57 ng nasabing lungsod.

Alas-10:00 ng gabi nang maaresto ang mga suspect matapos magsagawa ng buy-bust ope­ration ang operatiba ng SPD sa Macopa St..

Tinuturing na isang high-value target ng pulisya si Juson dahil nakakapagbenta umano ito ng 20 hanggang 50 gramo ng shabu sa isang araw sa kanilang lugar.

Inaalam naman ng mga awtoridad kung kaninong bahay ang tinutuluyan ng suspect na ginagawa na rin umanong drug den ng mga adik.

Natagpuan pa sa bahay ang isang karatulang nagsasaad na P10 ang bayad para sa pwesto habang P10 naman ang bayad para sa foil.

Narekober mula kay Juson ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa 25 gramo at mga drug paraphernalias.

Sa lungsod ng Taguig naman, alas-dos ng madaling-araw nang madakip sa Block 49, Lot 50, Poolan St., Brgy. Central Bicutan ng naturang lungsod ng mga kagawad ng Police Community Precinct (PCP) 2, Taguig City Police sa pamumuno ni Police Chief Inspector Jerome Wangkey ang anim na suspect na sina Shariff Makakena alyas ‘Moss’, 28; Helen Ampuan, 42, kapwa taga Block 49, Lot 15, Poolan St.; Alimer Ubana, 37, ng Block 165, Lot 18; Adrian Calia, 25, ng Block 165, Lot 7; Runel Gapus, 30, taga-36 Lot 44, pawang mga taga-Brgy. Central Bicutan at Remie Nambatac, 33, ng No. 11, Block 1, Phase 3, Brgy. South Daang Hari, ang mga ito ay pawang mga Taguig City.

Nadakip ang anim na suspect sa buy-bust ope­ration na isinagawa ng Taguig City Police at nakumpiska sa mga ito ang ilang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalias.

Agad naman dinala ang mga suspect sa nasa­bing himpilan ng pulisya at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.