Arestado ang 11 katao nang salakayin ng pulisya ang pinaghihinalaang drug den sa Barangay Sta. Lucia sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 11, 13, 14 at 15 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Rodolfo Pinon, Victor Pagdaganan, Rowena Manuel, Wilson Elag at Allan Tumabini, mga residente ng Barangay Sta. Lucia ng nabanggit na lungsod.

Alas-10:45 ng gabi nang salakayin ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Pasig City Police ang bahay ni Pinon sa 112 Tramo Rosario Village, sa Barangay Sta. Lucia at naaktuhan ang lima.

Anim naman ang nahuli rin sa anti-illegal drug operation ng mga awtoridad alas-nuwebe ng gabi sa Muntinlupa City kamakalawa.

Kinilala ang mga nadakip na sina Carlo Jay Cabilangan, Albert Butulan, Mel Jason Fernandez, Felipe Berja, Allan Lorete at Eugene Eligarco kapwa nasa hustong gulang at pawang nakatira sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.