111 drug suspect, 41 wanted arestado sa Bulacan

Umabot sa 111 drug suspect na pawang nasa watch list, 41 most wanted person, 106 sugarol at 52 lumabag sa enhanced community quarantine (ECQ) ang nasakote sa serye ng anti-crime operation ng mga awtoridad sa buong lalawigan ng Bulacan na nagsimula hatinggabi ng Marso 26 hanggang nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Col. Lawrence B. Cajipe, acting provincial director sa Bulacan, ang pinaigting na kampanya ay base sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) Director General Archie Gamboa na palakasin at higit pang pasiglahin at magpokus sa anti-criminality drive partikular sa iligal na droga habang ipinatutupad ang ECQ.

Malaking tulong aniya ang lubos na suporta sa pulisya ng mga local chief executive at mga pamayanan sa pagkakadakip ng mga suspek,

Samantala, umabot sa 255 pakete ng shabu, 19 pakete ng marijuana, at iba’t ibang drug paraphernalia ang nakumpiska sa anti-illegal drug operation ng mga elemento ng Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng 18 sa 24 lungsod at bayan sa Bulacan.

Tiniyak ni Cajipe na higit pa nilang palalakasin sa susunod na mga araw ang kampanya laban sa droga, pagtugis ng tracker team sa mga wanted person at pagdakip sa mga pasaway na sugarol at lumalabag sa ECQ. (Jun Borlongan)