1,113 pulis ikakalat sa Simbang Gabi

May 1,113 miyembro ng Manila Police District (MPD) ang ikakalat sa mga simbahan ng Maynila sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa Disyembre 16.

Ayon kay MPD Director PSSupt. Joel Caronel, mas paiigtingin pa nila ang police visibility ngayong nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan partikular na sa lugar ng Divisoria, Binondo, at Quiapo dahil sa inaasahang pagdagsa ng maraming tao sa mga nabanggit na lugar.

Pinaalalahanan din ni Caronel ang mga mamimili at namamasyal na maging maingat sa kanilang mga gamit at huwag magsuot ng mga mamahaling alahas at huwag i-display ang mga cellphones.

Dapat din na bantayan nila ang kanilang mga kasama at kung may nakitang krimen, kaagad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.