Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 115 ang bilang ng mga Pilipino na nakabase sa ibang bansa ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa nabanggit na bilang, 83 na ang gumaling mula sa karamdaman at na-discharge sa ospital. Habang ang natitirang 38 iba pa ay nananatili naman umanong naka-isolate sa iba’t ibang pagamutan.
Nabatid na pinakamarami sa mga Pinoy na nagpositibo sa COVID-19 ay sa Japan na umabot sa 80, galing sila sa MV Diamond Princess cruise ship na dumaong doon.
Tatlo na lamang naman sa mga ito ang nananatili sa ospital at ilan sa kanila ay nakauwi na sa Pilipinas.
Kaugnay nito, apat namang Pilipino na positibo sa sakit sa United Arab Emirates (UAE); lima sa Hong Kong, kabilang ang tatlong gumaling na; at 10 sa Singapore na kinabibilangan ng dalawang nakarekober na.
Sa Amerika naman, may 13 Pinoy rin ang dinapuan ng sakit, na pawang sakay ng MV Grand Princess.
Nabatid na isa pa ring Filipino ang nagpositibo sa virus sa Switzerland habang dalawa naman sa France, pero isa rito ay gumaling na mula sa sakit. (Juliet de Loza-Cudia)