Sa ikalawang pagkakataon ay natuluyan sa pagpapakamatay ang isang 12-anyos na batang lalaki sa Davao City kamakalawa.
Halos mangitim ang mukha at lumuwa ang dila nang matagpuang nakabigti sa kisame ng kuwarto ang biktimang si Joffer Deonesio Eleseo, sa Barangay 8-A, Lower Madapo, Bankerohan, Davao City.
Napag-alaman na alas-12:45 ng tanghali nang madiskubre ng ina nitong si Deonila Magbutong Eleseo ang nakabigting anak sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay gamit ang lubid.
Agad na inireport sa San Pedro Police ang insidente kung saan ay sinika pa itong dalhin sa ospital pero hindi na naisalba pa.
Base sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operative (SOCO) walang foul play sa pagkamatay ng biktima.
Sinasabing pangalawang beses na itong nagtangkang magbigti na ang una ay napigilan hanggang sa maisakatuparan ito.
Ayon sa ina, madalas nang idinadaing sa kanya ng anak ang hindi mawalang matinding pag-ubo na nagdudulot ng pananakit ng dibdib na marahil dahilan kung bakit nito kinitil ang sariling buhay.