Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang 12-anyos na batang babae makaraang gilitan sa leeg sa loob ng kanilang tahanan sa Angeles City, Pampanga.

Nakilala ang biktima na si Elmira Herman samantalang naaresto naman ang suspek na kinilalang si Jordan Banalnal.

Nabatid na katiwala sa negosyo ng mga magulang ng biktima ang suspek pero hindi pa mabatid kung ano ang dahilan o motibo para laslasin nito ang leeg ng bata.

Inaresto ang suspek dahil ito umano ang nakita na huling kasama ng biktima sa loob ng kanilang bahay.

Hindi naman umano nagbigay ng anumang pahayag ang suspek matapos itong maaresto.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng pagsusuri sa mga labi ng biktima para malaman kung hinalay din ito ng suspek bago isinagawa ang pamamaslang.