Patay ang isang 12-anyos na estudyante matapos malunod habang naliligo sa ilog sa Tiaong, Quezon kamakalawa.
Naisugod pa sa ospital ang biktimang si Ken Owen Ayao Cristobalilog, ng Sitio Centro, Brgy. Ayusan 2, Tiaong, subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng doktor.
Ayon sa Tiaong police, kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigan na naliligo sa ilog sa Brgy. San Agustin dakong alas-2:30 ng hapon nang bigla na lamang nadala ng malakas na agos ng tubig ang biktima.
Wala nang nagawa ang mga kaibigan nito nang tuluyan itong lumubog sa malalim na bahagi ng ilog.
Nakita na lamang ng mga rumespondeng residente ang katawan ng biktima na nakasabit sa mga nakalubog na mga sanga ng kahoy.