Wala nang buhay at may hiwa sa leeg nang matagpuan ang isang 12-anyos na batang babae sa kusina ng kanilang bahay sa Shelterville Subdivision, Brgy. 141, Bagumbong, Caloocan City kamakalawa nang hapon.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon nang madiskubre ng kanilang helper na si Rossel Villaralbo ang bangkay ng biktimang si Mhyrrhaquel Singson, Grade 6 student.

Sa salaysay ni Villaralbo, na residente ng Brgy. 171, Caloocan City, nagpunta siya sa bahay ng pamilya Singson upang maglinis pero pagdating niya ay nakakandado ang pintuan nito.

Sumilip si Villaralbo sa bintana ng kusina at doon nakita niya ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa sahig at may malaking hiwa sa leeg.

Dahil dito, agad siyang humi­ngi ng saklolo na mabilis namang rumesponde sa lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Caloocan City Police North Extension Office, kitchen knife ang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Lumalabas din umano na walang senyales na puwersahang pinasok ang bahay ng mga Singson kaya’t posibleng kakilala ng pamilya ng biktima ang suspek.

Nalaman din na may dalawang cellphone ng pamilya ang nawawala.

Napag-alaman na galing sa eskuwelahan ang biktima at maaga itong umuwi matapos kumuha ng eksaminasyon at walang kasama sa kanilang bahay nang mangyari ang krimen.

Nabatid na nagtatrabaho sa Maynila ang mga magulang ng biktima. Wala rin sa bahay ang dalawang kapatid niya dahil ang isa ay nasa eskwelahan pa habang ang isa pa ay may pinutahan.

Sa salaysay ng ama ng biktima na si Colen Singson, bukod sa kanya ay ang bayaw lamang niya ang may susi sa kanilang bahay.

Nakaligo pa umano ang kanyang bayaw dakong alas-tres nang hapon sa kanilang bahay bago natagpuang patay ang biktima.

Sa kabila nito ay hindi pa itinuturing ng pulisya na suspek kundi person of interest pa lang sa krimen ang tiyuhin ng biktima na hindi muna pinangalanan.

Isinasailalim pa umano sa imbestigasyon ang tiyuhin ng biktima at ilan pang person of inte­rest na hindi rin muna pinangalanan.