Napakahalaga ngayon na “updated” ang mga magulang sa mabilisang usad ng teknolohiya, lalo na sa larangan ng social media.
Alam ba ng mga tatay at nanay na mayroong “12 apps” na maituturing na dangerous o mapanganib at hindi ligtas na ma-download at mapasok ng mga bata o kahit ng mga teenager?
Oras kasi na maharap sa computer, laptop, iPad at mobile phones ang mga anak, hindi na mamo-monitor at lalong napakahirap makontrol kung saan-saang sites sila tutungo at kung ano-anong apps ang kanilang ida-download at papasukin.
Hindi lang Facebook ang pinagkakaabalahan ngayon ng mga bata. Napakaraming loose sites at mobile apps na naglalagay sa peligro hindi lamang sa murang kaisipan at moralidad ng mga bata kundi maging sa kanilang mga buhay dahil sa teens suicide na ang ilang porsyento ay nag-uugat o itinulak ng mga apps na ito.
Ang pinakadelikado sa mga apps na ito ay sistema kung saan pinagtatagpo nito ang mga estranghero nang walang anumang paghihigpit sa edad at strict monitoring sa aktibidad at pag-uusap ng mga app users.
Free for all, ika nga!
Isa sa kabilin-bilinan ng mga magulang sa kanilang mga anak ay “don’t talk to strangers” pero dahil sa limitless boundaries ng internet, lantad na lantad sa mga estranghero ang mga bata sa bawat segundong nasa internet sila.
Kabilang sa mga dangerous/unsafe apps na tinukoy ay ang House Party, Tinder, Ask.fm, Kik messenger, Voxer, Snapchat, VSCO, Vine, Whisper, Tumblr, Look, Jailbreak programs & Icon-hiding apps, at Instagram.
Bagama’t may maliit na porsyento ng peligro sa Facebook at Twitter, hindi pa rin dapat kumampante ang mga magulang sa pagso-socialize ng kanilang mga anak sa nabanggit na apps.