Isang anak ng beteranong mamamahayag ang patay matapos na walang habas na pagbabarilin ng nasa anim na mga kalalakihan, na lulan ng tatlong motorsiklo na may tig-dalawang angkas, sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Roman Magpoc Jr., 47-anyos ng J. Ramos Street, Barangay 7 ng nasabing lungsod, na anak ng beteranong reporter na si Roman Magpoc.

Sa ulat ni SPO1 Michael Anthony Ramirez ng Caloocan City Police – Homicide Unit, alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng isang bahay na nasa Velasco Street, Barangay 7 ng nasabi pa ring lungsod.

Nakatambay umano sa harapan ng nasabing bahay ang biktima nang dumating ang tatlong motorsiklong sakay ang mga suspek at nagbabaan sa tapat rin ng kinaroroonan ni Magpoc at walang sali-salitang nilapitan ang biktima saka pinagbabaril sa ulo at iba pang bahagi ng katawan nito.

Matapos ang insidente ay agad ding nagsisakay sa mga motorsiklo nito ang mga salarin saka tuluyang nagsitakas.

Ang buong pangyari ay nakunan ng closed circuit television (CCTV) camera ng barangay malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon naman kay Caloocan City Police Chief Senior Supt. Chito Bersaluna ay nasa 12 empty shells at tatlong deformed bullets ang na-recover ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar na agaran ding isinumite sa Northern Police District (NPD) Crime Laboratory para sumailalim sa ballistic examination.

Base naman sa impormasyong nakuha ng pulisya sa bayaw ng biktima na nakilalang si Jonathan Liwanag, sangkot umano sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang biktima na kinukumpirma pa ng mga awtoridad.