Nasakote ng National Bureau of Investigation – Cyber Crime Division ang 12 Chinese national na sangkot sa illegal online gambling sa isinagawang operasyon sa Bacolor, Pampanga.
Nasa kustodiya ng NBI ang mga suspek na sina Chen Ya Ting, Chen Chengang, Sun Qiao Yan, Wei Bing, Lei Shi Feng, Gao Cheng Feng, Lin Jin, Wang Hai Tao, Wu Cheng Pin, Ruan Cheng Hui, Gao Fei at Chen Long Xi, na nahaharap sa kasong paglabag sa PD.1602 o Anti-Illegal Gambling Act na inamiyendahan bilang RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Department of Justice (DOJ).
Nabatid kay NBI Spokesman Ferdinand Lavin na wala umanong maipakitang working visa, license to operate mula sa Philippine Amusement Gaming Corporation (Pagcor) at iba pang mga dokumento ang mga naarestong dayuhan.
Sinalakay ng ahensiya ang isang bahay sa Brgy. Calibutbuti ng nasabing munisipalidad na ikinaaresto ng mga suspek dahil sa nakuhang intelligence report ng mga awtoridad.
Nakuha sa pag-iingat nito ang dalawang laptop, dalawang router at dalawang modem enhancer na gamit ng mga suspek sa kanilang iligal na operasyon. (Juliet de Loza-Cudia)