12 drug peddler nakorner

Isang dosenang drug peddler na pawang nasa PNP/PDEA watchlist ang nasakote ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Bulacan PNP sa isinagawang serye ng Anti-illegal drug operation sa bayan ng Plaridel, Calumpit at San Miguel, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Base sa report na isinumite kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang mga naarestong tulak na sina Emmanuel Dacanay y Gapac alias Em-em, 23; Joseph Santiago y Maningas, 34, kapatid nitong si Jay-Ar Santiago y Maningas 32; Sheila Paras y Garcia, 33; Melwin Yambot Dela Cruz, 35; Eduardo Dela Cruz Jr alias Bochok, 32, kabilang sa Plaridel Municipal Police Drug Watch list; Joy Ann Bantog, 31; Joaquin Wilwayco, 29; Rosalina Santos y Italia alias Chamber, 49; Antonio Arconcil Jr y Llorando, 39; Romeo Mendoza y Tuplano, 52, at Chamberlee Dela Cruz y Cabalona, 28, pawang nasa PNP-PDEA Unified watch list.

Ang mga naarestong drug pusher ay matagal nang sinusubaybayan ng PIB ng Bulacan PNP at SDEU ng bayan ng Plaridel, Calumpit at San Miguel bago nila ito ipinasailalim sa buy-bust operation matapos makumpirmang patuloy ang pagbebenta ng iligal na droga sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhance Community Quarantine (ECQ) sa lalawigan.

Umabot sa 48 pakete ng shabu at buy-bust money ang narekober ng awtoridad sa isang dosenang drug pusher sa magdamag na operasyon at dinala ang mga ito sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office (BPCLO) sa Malolos City upang sumailalim sa eksaminasyon habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 bunga ng pagtutualak at posesyon ng iligal na droga. (Jun Borlongan)