Arestado ang 12 indibidwal, kabilang ang siyam na menor de edad, matapos silang maaktuhang naliligo sa ilog sa Barangay Poblacion East, Asingan, Pangasinan noong Martes sa kabila ng ipinapatupad na extreme enhance community quarantine (EECQ).

Ayon kay Asingan Police Station (APS) commander P/Maj. Leonardo Zacarias, bago ang pag aresto, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa concerned citizen sa nasabing barangay hinggil sa naliligong mga kabataan sa ilog.

Dito, agad na nagpunta ang mga operatiba sa lugar at pinaghuhuli ang mga suspek at dinala sa APS at ipinatawag ang kanilang mga magulang.

Dahil umano sa pagiging abala ng mga barangay official sa naturang lugar, hindi nila napansin ang balak ng mga mga suspek na magbabarkada.

Ayon naman sa salaysay ng mga nahuling indibidwal, nagtungo sila sa ilog upang manghuli ng isda para sila’y mayroong makain.

Gayunpaman, pinayuhan na lamang nila ang mga ito na ugaliing tumalima sa bawat batas na pinapairal lalo pa’t kasalukuyan pa ding nasa ilalim ng EECQ ang lalawigan ng Pangasinan.

Natuwa naman ng hepe ng pulisya dahil base sa kanilang monitoring, malaki umano ang ibinaba ng bilang nga mga lumabag sa kanilang bayan kumpara noong mga unang linggo ng implementasyon ng EECQ na halos gabi-gabi ay mayroon silang mga nahuhuli. (Allan Bergonia)