Isang motorcycle rider ang nasawi habang 12 ang sugatan nang magkarambola ang 12 sasakyan sa Muntinlupa City kahapon.
Sanhi ng matinding pinsala na tinamo ng biktima sa ulo at sa katawan ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Hermenegildo Lopez, nasa hustong gulang at residente ng Elizalde Compound, Parañaque City.
Habang ang 12 biktima na nagtamo ng bukol at galos sa katawan ay agad naman naisugod sa iba’t ibang pagamutan subalit matapos lapatan ng lunas ay agad naman na silang pinauwi.
Bukod pa sa mga sugatan, isa pang rider ng motorsiklo na wala pang pagkakilanlan ang pumailalim sa isang pampasaherong jeep kung saan naipit siya sa bandang unahan ng kanan na gulong na nagdulot ng pagkakawakwak ng kanang hita nito na agad naman isinugod sa Ospital ng Muntinlupa.
Sa report ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (TMB), dakong alas-kuwatro ng hapon nakatanggap ng tawag ang pulisya na may nangyaring banggaan sa West Service Road, Barangay Sucat, Muntinlupa City.
Agad na rumesponde ang Muntinlupa Rescue Team at laking gulat nila nang makita ang banggaan na kinabibilangan ng 2 trak, 2 pampasaherong jeep, isang sedan, isang SUV at anim na motorsiklo.
Ayon kay Barangay Kagawad Jeramel Mendoza, natumbok ng trailer truck ang likuran ng motorsiklo na minamaneho ni Lopez kung saan sumalpok ang biktima sa close van na nauuna sa kanya at nakaladkad ito bago pumailalim sa naturang van bago siya nalagutan ng hininga dulot ng naganap na insidente.
Hindi na nadatnan ng mga awtoridad ang drayber at pahinante ng trailer truck na bumangga kay Lopez at tuluyan nang tumakas makaraan ang insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ang naturang kaso at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng drayber at pahinante ng trailer trak na tumakas makaraan ang insidente.