Dinala sa ospital ang 12 empleyado ng isang online teaching school sa Ortigas, Pasig City nang ma-suffocate dahil sa hinihinalang gas leak sa kanilang opisina.

Ang mga ‘di pinanga­lanang biktima na nasa pagitan ng edad 20 hanggang 39 ay pawang empleyado ng 51Talk Rewards and Recognitions, online English school, na matatagpuan sa 9th floor 27-storey JMT Building, ADB Ortigas Avenue, Brgy. San Antonio Pasig City.

Kaagad silang isinugod sa The Medical City Hospital ng ambulance team ng Brgy. San Antonio (BSA), para malapatan ng first aid treatment, matapos na makaranas ng hirap sa paghinga, pagkahilo at pagsusuka.

Nangyari ang insidente alas-5:23 Sabado ng hapon nang makatanggap ng tawag ang BSA ambulance team mula sa pamunuan ng 27-palapag na JMT building, matapos na magreklamo umano ang may 27-empleyado na tila mayroong nagaganap na gas leak sa kanilang tanggapan.

Nauna rito, nag-o-overtime ang mga empleyado nang malanghap nila ang tumagas na diumano sa Freon gas mula sa air condition unit dakong alas-4:30 ng hapon.

Sinubukan pa umano ng kompanya na gumawa ng paraan para mapahinto ang gas leak pero nang mabigo ay saka lamang ito iniulat sa barangay.

Mabilis namang rumesponde ang BSA Ambulance Team at isinugod sa pagamutan ang siyam sa 27 empleyado, na kaagad din namang pinauwi sa kanilang mga tahanan matapos na malapatan ng paunang lunas.

Masusi pang iniim­bestigahan ng Bureau of Fire Protection ang insidente upang matukoy kung anong klase chemical gas ang nag-leak.