12 ‘TNT’ grand finalist matatag sa mga basher

Nananatiling positibo ang 12 grand finalist sa “Tawag ng Tanghalan” sa kabila ng malungkot na pagbibitiw ni Mariko Ledesma nitong Setyembre 21.

Hindi na kinaya ni Mariko ang pamba-bash na natatanggap niya mula sa nga netizen, kaya’t nagdesisyon siya na magbitiw dahil sa depresyon na pinagdadaanan.

Hindi naman umano naiiwasan ang mga ganitong pagkakataon. Pero nanatiling matatag ang mga grand finalist para makaabot hanggang sa huling tapatan.

Sa darating na Setyembre 28 ay maglalaban-laban sina Elaine Duran, ang 10-time Defending Champion ng Agusan Del Norte na tinaguriang record holder ng TNT; Ranillo Enriquez, ang 5-time Defending Champion ng Cebu; John Mark Saga, ang 10-time Defending Champion ng Cavite na isa ring record holder ng TNT; JM Dela Cerna, ang 5-time Defending Champion ng Davao; Charizze Arnigo, ang 6-time Defending Champion ng Surigao Del Norte at Jonas Oñate, ang 5-time Defending Champion ng Samar.

Kabilang din sa lalaban sa himig-sikan ang tinaguriang pinakamatandang finalist sa TNT na si Nanay Violeta Bayawa, ang 5-time Defending Champion ng Dipolog, Zamboanga del Norte.

Pasok din sina Julius Cawaling, ang 5-time Defending Champion ng Cavite; Rafaello Cañedo, ang Instant Resbaker ni hurado Erik Santos na mula sa Davao; Shaina Mae Allaga, ang Instant resbaker ni Mitoy Yonting na mula pa sa Zamboanga Del Sur; Jermaine Apil, ang 7-time Defending Champion mula sa Laguna at Kim Nemenzo, ang Instant resbaker ni Louie Ocampo mula sa Negros Occidental.

Ang huling tapatan ay gaganapin sa Caloocan Sports Complex sa darating na Setyembre 28. Ang tatanghaling grand champion ay magwawagi ng house and lot, negosyo package, family vacation package, management contract sa ABS-CBN, recording contract sa TNT Records at tumataginting na P2 milyon. (Ronaline Avecilla)