12 trak ng basura nahakot sa grandstand

Nasa 12 trak nang basura ang nahakot ng mga tauhan ng Metropo­litan Manila Development Authority (MMDA) sa kalagitnaan ng kasagsagan ng prusisyon ng Itim na Na­zareno sa Quirino Grandstand sa Maynila kahapon.

Ayon sa MMDA, hindi pa natatapos ang Traslacion ay umabot na 12 truck ng basura ang kanilang nahakot.

Dakong alas-2:00 nang hapon pa lamang ay nakakolekta na ang MMDA ng 12 truck ng basura at ito ay inaasahan na aakyat pa ang bilang kapag natapos na ang prusisyon.

Karamihan sa mga nahakot na mga basura ay mga pinagbalutan ng mga pagkain, bote ng tubig, styrofoam at iba pang pinagbalatan.

Bukod pa rito mayroon din silang nakuhang mga bote ng mineral water na may mga lamang ihi.

Sinabi ng MMDA ay dinadala ang mga nakolektang basura sa Pier 18 sa Maynila para roon dalhin sa mga landfill.

“Nakaposisyon ang ating mga tauhan sa dulo ng prusisyon para agad na makolekta ang mga naiiwan na mga basura. Katulong naman nila ang mga dump truck buhat sa Manila City government,” ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim.

Tinatayang nasa 1,000 tauhan ng MMDA ang itinalaga sa Maynila para sa Traslacion at mananatili sa kanilang mga puwesto hanggang sa matapos ang prusisyon.

“Mananatili ang aming mga tauhan sa kanilang mga assignment hanggang sa makarating ang Itim na Nazareno sa loob ng simbahan ng Quiapo at hanggang sa makolekta na lahat ng basura na iniwan ng mga deboto,” dagdag pa ni Lim. (Armida D. Rico)