Walang inaatrasang laban ang dose-anyos na chess wizard na si Antonella Racasa.
Ibang usapan na kapag Russian ang katapat niya.
Bagama’t handang lumaban, natatakot umano si Racasa kapag Russian ang kaharap niya.
Bakit? Ano’ng meron sa mga taga-Russia?
“Nakakatakot po sila,” napaka-inosenteng sagot ni Antonella sa panayam ng Abante Tonite kamakailan.
Pinakabatang Pinay Woman Fide Master (WFM) si Antonella at patuloy pang gumagawa ng eksena sa larangan ng chess.
Sa edad na 12-taong gulang, pangmalakasan na pambato ng bansa si Racasa na tuloy-tuloy parin ang paghakot ng mga trophies at medalya.
Sa school lamang natutunan ni Racasa ang paglalaro ng chess.
“Dahil top naman po ako sa school, lagi po akong pinipili. Saka po nag-volunteer din po ako noon,” saad ni San Roque, Marikina City pride Tonelle.
At bukod sa pagiging top performer, naging bahagi rin si Tonelle ng theater play sa school at nang matanong ito kung gusto nitong mag-artista sumagot si Tonelle ng “pwede”.
Very supportive rin ang mga magulang ni Tonelle na sina daddy Robert, founder ng Philippine Memory Games at mommy nitong si Marife, bank investment specialist sa JP Morgan Chase, sa kanyang chess career.
Kuwento pa ni Tonelle, bonding nilang mag-ama ang kumain at manood ng movies kung wala itong torneo.
Hangad rin ni Tonelle na maging youngest Woman Chess Grand Master at maging youngest member ng Philippine Chess Team sa Chess Olympiad.
Q&A
Abante: May pressure ba kapag international chess players ang iyong kalaban?
Racasa: Minsan po kapag kalaban mo po talaga nakakatakot. Natatakot ka talaga po pero ang ginagawa ko lang po, chill lang po ako. Kasi po pag-chill ka lang parang okay lang relax lang po mind mo. Makakaisip ka po ng okay.
Abante: Sa tingin mo, ano bang opportunities ang naibibigay ng chess?
Racasa: Dumami ang friends ko. (Going abroad) maganda naman po ‘yung experience kasi po hindi ka pa po nakakapunta dun kaya po parang new things to explore.
Abante: Paano mo mahihikayat ang ibang mga bata na subukan ang chess?
Racasa: ‘Yung chess po kasi it helps you in different ways like problem solving, analysis, calculation kaya po magagamit po siya sa buhay.”