May hinala ang mga imbestigador na panghahalay ang motibo ng salarin sa pagpasok sa loob ng bahay nina Florinda lalu na’t wala anumang saplot na suot sa katawan ang biktima nang matuklasan ang kanyang bangkay.
Gumawa naman ng hakbang ang mga imbestigador upang makahanap ng posibleng mga testigo sa krimen na makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan sa salarin na may kagagawan sa krimen.
Ilang mga kapitbahay ng biktima ang nagpahayag na pasado alas-nuwebe nang umaga ng Oktubre 7, 2019 nang marinig nila ang kakaibang ingay na nagmumula sa loob ng bahay nina Florinda at narinig pa nila ang pagmamakaawa ng ginang na gawin na ang lahat sa kanya huwag lamang siyang patayin dahil may maliit pa siyang anak.
Wala naman naglakas ng loob na tumulong sa pagmamakaawa ng biktima at makaraan ang ilang sandali, tumahimik na ang ingay sa sa loob ng bahay nina Florinda subalit wala isa mang nakapansin nang lumabas ng bahay ang salarin.
Hindi naman kaagad sumuko ang mga imbestigador sa paghahanap ng testigo sa nangyaring krimen makaraang lumutang si Michelle Gregorio, ang 31-taong gulang na kapitbahay ng biktima na may sari-sari store sa lugar.
Sa kanyang sinumpaang pahayag, sinabi ni Michelle na nagduda siya sa kanilang kapitbahay na kilala niya sa pangalang Jay-Ar Malano nang bumili ng band aid sa kanilang tindahan dakong alas-10 nang umaga upang takpan ang sugat sa kanyang mga kamay.
Dugtong niya, halatang balisang-balisa ang kilos ni Jay-Ar at nagmamadali ito sa kanyang paglalakad makaraang bumili ng band aid na pantakip sa sugat niya sa kanang kamay.