120 saksak sa hubo’t hubad na ginang, suspek binulungan daw ng demonyo?

Malaki ang paniniwala ni Mang Benjamin na nanlaban ang kanyang anak sa salarin kaya’t sa galit ng suspek ay pinagsasaksak niya ng dalang patalim si Florinda hanggang sa mabali ang kutsilyo kaya’t gunting naman ang ginamit niya sa pananaksak.

Bunga ng malakas na ebidensiya at testigong hawak ng kapulisan, bukod pa sa isinulat na extra-judicial affidavit na nagpapahayag ng pag-amin sa krimen, isinama ng kapulisan ang kasong Murder laban kay Jay-Ar Malano at kaagad na isinailalim sa inquest proceedings kay Caloocan City Assistant City Pro­secutor John Quincy Carandang.

Habang nirerebisa ng tagausig ang mga dokumento at ebidensiyang isinumite ng kapulisan, naisaayos naman ng pamilya De Villon ang bangkay ni Flo­rinda at itinakda ang paglilibing sa kanyang labi noong Oktubre 14, 2019 o isang linggo matapos ang karumal-dumal na pagpatay makaraang iburol sa bahay ng kanyang mga magulang sa Guido 4 Street, A. Mabini, Maypajo.

Bumuhos ang luha at pagdadalamhati mula sa mga magulang, anak, kapatid, kaanak at ka-live in ni Florinda nang ihatid ang kanyang labi sa huling hantungan sa Sangandaan Public Cemetery na dinaluhan ng kanyang mga kaibigan, kasama sa trabaho at kapitbahay.