120 saksak sa hubo’t hubad na ginang, suspek binulungan daw ng demonyo?

Sa isang pamilya, kahit gaano pa nila kamahal ang isa’t isa, hindi nawawala ang tampuhan at hindi pagkakaunawaan lalo na kung ang pangingim­bulo sa pagmamahal ng magulang ang mangi­ngibabaw.

Hindi rin maiwawaksi na nagkakaroon ng pagtatalo ang mag-asawa ng dahil na rin sa panghihimasok ng magulang ng babae o ng lalaki lalo na kung magkakasama lamang sila sa iisang bubong. Marami tuloy ang nagtatanong kung sino ba ang mahalaga, ang asawa o ang magulang?

Kung tutuusin, ang pagtatalo sa loob ng bahay sa pagitan ng dalawang miyembro ng isang pamilya ay nagsisimula sa pagkakaiba ng kani-kanilang paniniwala at opinyon lalo na kung ang nakasalalay ay ang pagpapakita ng kakaibang pagmamahal ng mga magulang sa kanilang anak, manugang o apo.

Maiiwasan sana ang mga ganitong uri ng pagtatalo kung hindi kaagad sasansalain ng isa ang pagsasalita ng katalo at sa halip ay pakinggan at una­wain muna ang kanyang saloobin bago ipaliwanag sa maayos na pana­nalita ang sariling opinyon na hindi makakadagdag sa sakit ng loob ng kausap.

Malaki ang magagawa upang mapahupa ang galit ng katalo kung hindi kaagad huhusgahan ang kanyang nararamdaman at hindi magpapadalos-dalos sa mga bibitiwang pangungusap para lamang ma­kaganti sa akusasyon na nagiging dahilan upang makapagpahayag ng hindi wastong opinyon.

May ilang pamamaraan upang maiwasan ang pagtatalo sa loob ng tahanan ay ito’y ang pagiging mapagpasensiya o maging mapang-unawa ng isa lalo na kung wala sa wastong katinuan o nasa impluwensiya ng alak ang katalo.

Wala kasing mabu­ting idudulot kung sasalubu­ngin at sasan­salain ang paniniwala ng katalo dahil sa halip na magkaroon ng pagkakaunawaan, posibleng humantong pa ito sa lalo pang maselang sitwasyon na magreresulta sa pagkakawatak-watak ng isang pamilya.