120 saksak sa hubo’t hubad na ginang, suspek binulungan daw ng demonyo?

Si Florinda ang ikalawa sa panganay sa tatlong magkakapatid na mga anak ng mag-asawang Benjamim, 67, at Rosalinda, 62 na kapuwa retirado ng mga kawani at ngayon ay tumatayong tagapag-alaga ng kanilang apo at bunsong anak na lalaki na nakaratay sa banig ng karamdaman.

Tapos ng pag-aaral at isang ganap na inhinyero ang bunsong anak na lalaki ng mag-asawang Benjamin at Rosalinda na si Renato na sa edad na 38 ay posibleng manatili na lamang sa banig ng karamdaman matapos masangkot sa isang malagim na aksidente sa lansangan.

Sa panayam ng TUGIS sa ama ng tahanan na si Mang Benjamin, nagpasiyang magtrabaho sa Saudi Arabia ang kanilang bunsong anak na si Renato makaraang maging ganap na inhinyero sa kagustuhang makatulong sa kanyang pamilya at makaipon ng para sa kanyang sarili.

Gayunman, hindi naging mapalad sa pagtatrabaho sa natu­rang bansa si Renato dahil noong taong 2007, nadisgrasya siya sa isang malagim na aksidente sa lansangan na muntik ng kumitil sa kanyang buhay.

Bagama’t pinalad pang mabuhay si Renato, nabigo naman ang mga dalubhasang doktor sa Saudi Arabia na maibalik na muli ang dati niyang lakas bunga ng grabeng pinsalang natamo ng kanyang gulugod.

Dahil dito nagpasya ang employer ni Renato sa Saudi Arabia na pauwiin na siya sa Pilipinas upang makapiling ang kanyang pamilya na noon ay naninirahan pa sa area ng Pritil sa Unang Distrito ng Tondo.