Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang higit 100 sakay ng sumadsad na barko sa Cuyo, Palawan.
Batay sa ulat, sumadsad ang pampasaherong barko na MV Milagrosa J-3 sa Bisucay Island sa bayan ng Cuyo, Palawan, bandang ala-1:45 Sabado nang madaling-araw. Papunta sana sa Iloilo City ang barko nang biglang lumakas ang hangin at alon kaya natangay ito sa mababaw na bahagi ng dagat.
Sa 124 na nasagip, 93 ang pasahero at 31 naman ang crew na lahat ay nasa maayos na umanong kondisyon at nabigyan na ng kaukulang tulong medikal.
Hindi pa naman matukoy ang lawak ng naging pinsala sa bahura nang pagsadsad ng barko.