Napawi ang sari-saring kunsumisyon at problemang pinagdaanan sa pagkayod sa Saudi Arabia ng 128 distressed overseas Filipino workers (OFWs) matapos na personal na salubungin kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte at abutan ng mga kinakailangang ayuda.

Kasama ni Pangulong Duterte na sumalubong sa OFWs sina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III at Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay.

Ang mahigit 100 OFWs ay galing sa Al Khobar, Kingdom of Saudi Arabia at karamihan ay nabiktima ng panloloko ng kani-kanilang mga recruiter at employer.

Kabilang sa inanunsyo ni Pangulong Duterte ang pamamahagi ng P5,000 cash assistance at bigas. Bukod dito, isasama rin sa 4Ps (Pantawid Pamilya Pilipino Program) ang mga kababayang OFWs na sinawing-palad sa Saudi Arabia.

“May konting pera ako para pang-ano, pamasahe… May P5,000 ako for each of you but anyway ganito na lang kung talagang medyo hirap ka, you need to survive of it, let me know, let me know… dahil kung talagang sarado i-enroll ko na lang kayo sa 4Ps… In the meantime ‘yung bigas mo meron ka i-compulsory na lang ilagay ko until such time… Don’t be a liar sabihin niyo lang ang totoo ‘pag may trabaho na kayo i-stop the assistance… in the meantime I will give it to you para sigurado may bigas kayo sa mesa niyo,” pahayag ni Pangulong Digong sa Arrival Immigration Area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, Pasay City.

Binanggit pa nito na kung may kailangang tulong ang mga ni-repatriate na kababayan ay makipag-ugnayan lamang o tumawag sa 8888 hotline o ‘di kaya’y personal na magtungo sa People’s Palace o Palasyo ng Malakanyang.

“Do not hesitate to call 8888 o kaya punta kayo ng Malakanyang katukin niyo itong mga nakaputi hindi sila bingi. Sabihin mo ako ‘yung kinausap ni Duterte sa airport… ‘pag walang tao hanapin mo lang si (Executive Secretary Salvador) Medialdea, si Yasay maraming pera ‘to,” pagbibiro pa ng Pangulo.

Binanggit din nito na magbubukas ng bangko na alay lamang sa kapakanan ng OFWs.