Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark, Pampanga ang tinatayang 1,834 gramo ng shabu na may street value na P12 milyon sa apat na lata ng imported na biskwit galing sa Nevada, United States.
Ayon sa BOC, Enero 22 nang makuha ang mga kontrabando dahil na rin sa pagtalima sa direktiba ng pag-profile sa mga shipment makaraang masabat ng ahensiya ang 20,136 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P136.9 milyon; 200 piraso ng ecstasy na umabot sa P340,000; at 3.165 kilo ng kush o high grade marijuana na may street value na P3.798 milyon.
Ang dalawang shipment ay naglalaman umano ng candy at damit ng sanggol. Nang isailalim ito sa pagsusuri, dito na natuklasan naglalaman ang mga lata ng apat na pakete ng shabu.
Naglabas ng warrant of seizure and detention si Acting District collector Atty. Lilibeth Sumbilla-Sandag sa nasabat na shabu para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, Republic Act No. 10863 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.