13 hospital cleaners ‘di pinapasahod sa Saudi

Isang email na may kalakip na complaint letter na pirmado ng mga nagrereklamo ang ipinara­ting sa Bayani Ka, TONITE Inbox ng United Overseas Worldwide ng grupo ng mga hospital cleaners.

Narito po ang buod ng kanilang hinaing.

Nagtatrabaho po kami bilang hospital cleaners sa Al Jouf, Sakaka, Saudi Arabia.

Hindi kami tumatanggap ng tamang sahod bukod pa sa naantala pa mula sa aming employer na Al Jalal Trading Est.

Mula sa 1,200 Saudi Riyals na dapat ay tatanggapin naming sahod sa pinirmahang kontrata na may kasamang food allowance ay SR1,000 na lamang ang sinasahod namin at walang food allowance taliwas sa aming napagkasunduan sa kontrata.

Ang malupit ngayon ay umabot na ng tatlong ­buwan ang delayed sa aming sahod.

Hindi rin kami pinapayagang umabsent kahit may sakit. Sakali namang umabsent ay inoobliga kami ng aming supervisor na magbayad ng SR20 kada absent.

Sana ay matulungan ninyo kami sa aming problema.

Nagpapasalamat,

Liezel Madrid, Mayflor Pugay, Angel Lee Maurico, Rose Ann Samaniego, Liza Paraguya, Junith Paraguya, Agnes Ortiaga, Kathleen Joy Sagilag, Thelma Tomas, Rea Banoy, Corazon Gutierrez, Nadia Hussain at Ashliya Ali.

***

Ang mga dumadaing na hospital cleaners ay nakapagtrabaho sa Saudi sa pamamagitan ng Starway International Manpower Services Corp.

Naipaalam na ng U-OFW sa pamamagitan ni G. John Leonard Monterona, Convener, United U-OFW sa POLO-OWWA RIYADH, OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR ang kalagayan ng mga hospital cleaners nating mga kababayan pero wala pa ring naging aksyon kaya nagpasaklolo na rin sa Bayani Ka TONITE Inbox sa pag-asang matugunan agad ang kanilang hinaing.

Amin na rin pong ipinaabot sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang problema ng 13 na­ting mga kababayang hospital cleaners at asahan ninyong sa susunod na Linggo ay magkakaroon tayo ng tugon sa kanilang idinulog na problema.