Umakyat na sa 13 ang mga Pinoy repatriate mula sa Diamond Princess cruise ship na nagpapakita ng sintomas ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid sa Department of Health (DOH) na ito ay matapos na madagdagan pa ng 3 ang 10 nang Pinoy repatriate na minonitor sa virus.
Gayunman, sinabi ni DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na ang pitong kinakitaan ng sintomas ay pawang nagnegatibo na sa COVID-19.
Hinihintay pa rin ng DOH ang resulta ng pagsusuri sa dalawang repatriate na kinakitaan ng sintomas at sa tatlo pang nadagdagan sa listahan.
Habang mino-monitor pa rin ang kondisyon ng pito na ibinalik na sa mga quarantine site sa Athlete Village sa New Clark City (NCC).
Kinaakitaan din ng sintomas tulad ng sore throat at nonproductive cough at binigyan ng mga referral sa mga hospital ang mga nasabing Pinoy na galing sa Japan cruise ship na Diamond Princess.
Habang matatapos na sa susunod na linggo ang quarantine period ng 445 repatriate sa Japan.
Samamtala, umakyat na ang death toll sa China sa 2,835 at nasa 86,000 na ang kumpirmadong may COVID-19. (Juliet de Loza-Cudia)