Habang ligalig ang buong ­mundo sa kumakalat na novel coronavirus galing China, isa pang ­virus na galing sa baboy ang kumitil ­naman ng 13 katao sa Taiwan.

Ayon sa Centers for Disease Control (CDC) ng Taiwan, nasawi ang 13 katao dahil sa H1N1 flu ­virus sa loob lamang ng isang linggo.

Ang H1N1 virus ay mas kilala bilang swine flu na siyang pangunahing source umano ng flu infection sa mga residential community sa Taiwan.

Sa ginanap na lingguhang ­pulong noong Biyernes, inihayag ni CDC Deputy Director General Chuang Jen-hsiang nasa 116,705 katao na ang sumailalim sa atensyong medikal dahil sa mga sintomas ng swine flu.

Sinabi pa nito na aabutin ng mahigit dalawang linggo para ­malaman kung tataas pa ang ­bilang ng mga naitalang kaso ng swine flu infection.

Ang mga nasawing biktima ay nasa 47 hanggang 97 taong ­gulang, kabilang dito ang isang ­babae na mahigit 80-anyos na. May sakit umano na cancer at chronic ­pneumonia ang nasabing babae.

Napag-alaman pa na ­simula ­Oktubre 1, 2019 hanggang ­Enero 25 ngayong taon ay nasa 771 ­serious infection na ang naitala ­dahil sa H1N1 virus, at 56 dito ang nasawi na may kaugnayan sa ­naturang virus.