Na-rescue ng mga tauhan ng Parañaque City Police at PNP-Women’s and Children’s Protection Desk ang isang babaeng Chinese national at 13 pang babae laban sa isang sindikato ng human trafficking makaraang salakayin ang tinutuluyang condominium unit kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Police Col. Robin King Sarmiento, hepe ng Parañaque City Police, alas-otso ng gabi nang isagawa ang pagsalakay sa tinutuluyang unit ng dayuhang babae sa Bay Tower 1 Condo sa Roxas Blvd., Brgy. Tambo.
Sinabi ni Sarmiento na unang nagsuplong sa Chinese Embassy ang isa sa mga biktima na si Huang Xia, 31.
Aniya’y ni-recruit siya ng mga kababayang magtrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ngunit ibinubugaw umano sila ng kanilang manager sa mga kustomer na Chinese national.
Iniulat naman ito ng Chinese Embassy sa PNP-WCPD na nakipagkoordinasyon naman sa Parañaque City Police.
Kuwento pa ni Sarmiento, nakatakda sana silang magkasa ng entrapment operation sa naturang lugar ngunit pagdating nila sa condominium building ay naroroon na ang mga tauhan ng PNP-WCPD kaya tuluyan nilang pinasok ang lugar na ikinasagip kay Huang at 13 niyang kasamahang babae na iba-iba ang nasyonalidad. (Armida Rico)