14 na pulis sangkot sa Bilibid smuggling

Inamin kahapon ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac na may 14 na pulis ang iniimbestigahan ngayon matapos magpasok ng mga kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison para ibenta sa mga preso.

“May mga natanggap na ulat na diumano ay may mga pulis na naman na siyang sangkot sa pagpapasok ng mga kontrabando dyan sa Bilibid at kaagad ito ay pinaimbestigahan na,” pahayag ni Banac sa isang radio interview.

Tiniyak din nito sa publiko na hindi niya hahayaan o kukunsintihin ang mga ganitong iligal na gawain.

Sabi pa ni Banac, nalulungkot siya dahil sa kabila ng puspusang reporma upang maibalik ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa mga pulis dahil sa kontrobersyal na ‘ninja cops’ na inimbestigahan ng Senado kung saan nadawit si da­ting PNP director general Oscar Albayalde ay may mga kasamahan sila na gumagawa ng diskarte at iligal na bagay para sa kanilang sariling kapa­kanan.

“Ito ay patuloy na hamon­ sa atin na mabago ang ating organisasyon, mareporma at hindi tayo titigil hanggang ang disiplina ay mapanatili,” ayon pa kay Banac.

Nauna rito ay dalawang miyembro diumano ng Special Weapons and Tactics na nakatalaga sa NBP ang isinailalim sa imbestigasyon matapos mahuli ng mga tauhan ng Bureau of Jail Ma­nagement and Penology sa tangkang pagpuslit ng mga alak at sigarilyo sa Gate 4 ng maximum security compound. (Edwin Balasa)