Naka-isolate ngayon at patuloy na binabantayan ang kalusugan ng 14 na frontliners sa Dagupan City, Pangasinan na nagpositibo sa coronavirus disease-19 (COVID-19) sa Region 1 Medical Center (R1MC).

Ayon kay R1MC director Dr. Roland Mejia, ang naturang mga pasyenteng pawang asymptomatic o walang sintomas ng coronavirus ay nasa maayos na kalagayan sa kanilang pasilidad habang ang isa namang front-liner na tubong San Carlos City ay kasalukuyang naka-confine sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH).

Sinabi ni Mejia, sasailalim ang nasabing mga pasyente sa protocol na 14-day quarantine at bibigyan ng mga gamot upang malabanan ang virus.

Kaugnay nito, ayon pa sa director, ay naisagawa na rin ang contact tracing at swab test sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus sa siyudad at hinihintay na lamang ang resulta ng mga ito.

Dagdag pa ng opisyal, kapag nasa hospital ang mga pasyente ay maiiwasan ang problema sa mga komunidad lalo na sa mga nambabatikos sa mga ito. (Allan Bergonia)