Hinihinalang problema sa eskwelahan ang dahilan ng pagpapakamatay ng isang 15-anyos na binatilyo na nagbaril sa sariling sintido kamakalawa ng tanghali sa Tabaco City, Albay.
Isang baril na caliber .40 pistol ang ginamit sa pagpapakamatay ng grade 10 student na si Raimon Allan Borromeo Bacalbos, residente ng Brgy. Mantagbac.
Nakakuha umano ng suicide note ang mga awtoridad na nakaipit sa libro ng binatilyo subalit sadyang hindi na ibinunyag ang nakasulat dito bilang respeto sa pakiusap ng pamilya ng nasawi.
Sa ulat ng Tabaco City Police, dakong alas-12:00 ng tanghali ng madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto matapos na umuwi ang mga magulang nito na parehong nagtatrabaho sa Hall of Justice ng lungsod.