NI: NANCY CARVAJAL
Timbog sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki at kasama nitong menor de edad dahil sa pananakot sa isang 15-anyos na dalagita na ikakalat ang sex video nito kapag hindi nagbigay ng P2,000.
Nabatid na inaresto ang suspek na kinilalang si Miguel Karlo Robles at ang kasama nitong menor de edad sa Cavite noong Miyerkoles matapos dumulog ang biktima kasama ang kanyang ina sa NBI Special Action Unit para humingi ng tulong.
Sa sumbong ng dalagita, puwersahan siyang pinag-oral sex ng isa sa mga suspek habang kinukuhanan naman sila ng video ng kasamahan nito.
Nagbanta pa umano ang mga suspek na kanilang ikakalat ang video kapag hindi nagbigay sa kanila ng P2,000 ang pamilya ng biktima.
Batay sa sumbong ng mag-ina, isinailalim ng NBI sa entrapment operation ang dalawang suspek at dinakma ng mga operatiba sa aktong tinatanggap ng menor de edad na kasabwat ang pera mula sa biktima.
Inaalam na rin ngayon ng NBI kung may iba pang nabiktima ang mga suspek na katulad sa ginawang modus sa dalagita.