15-anyos tinanan, construction worker kinalaboso

Kalaboso ang isang construction worker nang ireklamo ng magulang ng dalagita na kanyang itinanan kamakalawa ng hapon sa Singalong, Malate, Maynila.

Sinampahan ng kasong paglabag sa R.A.8353 (Rape) at RA 7610 (Sexual Abuse) ang suspek na si Benedick Rosling y Alano, 23, construction worker at taga- #1180 F. Torres St., Singalong, Malate.

Nalaman na alas-2:10 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa kanyang bahay.

Ayon sa reklamo ni Margie Pelayo, 40, ina ng dalagitang si Cindy, di tunay na pangalan, ilang beses na umanong tinatangay ng suspek ang kanyang anak na menor-de-edad at dinadala sa kanyang bahay.

Matapos balaan nitong Abril ay nakipagkasundo siya sa suspek sa Barangay at nangako ang huli na hindi na gagalawin ang kanyang anak dahil ito ay menor-de-edad pa lamang.

Gayunman, binalewala ng suspek ang napagkasunduan at muli nitong tinangay ang kanyang anak.

Nakita sa CCTV na isinakay ng suspek sa tricycle ang dalagita.

Sanhi nito, napilitan ang ginang na ipaaresto at kasuhan ang suspek. (Juliet de Loza-Cudia)