Umabot sa 15 tulak ng iligal na droga ang naaresto sa serye ng operasyon sa Bulacan kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga naaresto na sina Rhodora Dalora, 49; Jennifer Ilustre; Julieta Rustia Emily Salvador; Mirriam Sioso; Lilia Papa; at Diana Louis Dela Rosa. Nakapiit sila kasama ang walo pang ibang inaresto sa Bulacan Crime Laboratory Office sa Malolos City.
Ang isa, nahuli umano sa Brgy. Sta. Cruz, Paombong, na kinakailangan pang bumiyahe ng halos isang oras sa dagat para marating. Bukod dito, nahuli ang iba pang suspek sa sunod-sunod umano na buy-bust operation sa mga bayan ng Plaridel, San Rafael, San Ildefonso, Paombong, Baliwag, Sta. Maria at San Jose del Monte City.
Nasa 59 pakete ng shabu at buy-bust money ang narekober ng operatiba. Sa gitna ng pinatupad na enhanced community quarantine, patuloy pa rin umano ang mga operasyon ng pulisya laban sa droga.
Kapuna-puna umano ang pagdami ng babaeng nasasangkot sa pagtutulak ng iligal na droga kaya aktibo rin ang kapulisan kahit pa ang ilan sa kanila ay nasa mga checkpoint para mapatupad ang mga regulasyon ngayong may umiiral na pandemic. (Jun Borlongan)