Walang nakitang dahilan ang majority bloc ng Senado para ipawalang saysay ang idinekarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
Sa inihaing Senate Resolution No. 388 na pirmado ng 15 senador, sinasabing “constitutional” at naaayon sa batas ang Proclamation No. 216 na may petsang May 23, 2017 at may titulong “Declaring a state of Martial Law and suspending the privilege of the writ of habeas corpus in the whole of Mindanao” at wala umanong sapat na dahilan upang ito’y ipawalang saysay.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon ay sina Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III, Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Joseph Victor ‘JV’ Ejercito, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Gringo Honasan, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Joel Villanueva, Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri.
Habang ang mga hindi lumagda na bahagi ng Senate majority bloc ay sina Sens. Grace Poe at Francis Escudero.
Inihayag sa resolusyon ang pagsuporta ng Senado sa naturang proklamasyon at walang rason upang ito’y bawiin.
“Part of the reason for the declaration was the series of violent acts committed by the Maute terrorist group, such as the attack on the military outpost in Butig, Lanao Del Sur in February 2016.
The said attack resulted in the killing and wounding of several soldiers and the mass jailbreak in Marawi City in August 2016 which freed and arrested comrades of the terrorist group and other detainees,” ayon sa resolusyon.
Tinukoy pa sa resolusyon ang Article 134 ng Revised Penal Code, na nagsasabing ang naturang pag-atake na ginawa ng Maute Group ay isang bukas na pagtatangkang alisin mula sa karapatan ng pamahalaan ng Pilipinas ang bahagi ng Mindanao at alisin ang kapangyarihan ng Pangulo na ipatupad ang batas sa bansa at mapangalagaan ang kaayusan at kaligtasan ng Mindanao na isang rebelyon at krimen.
Sa panig ng Kamara, nais naman ng Makabayan bloc na ipa-revoke ang Martial Law.
Sa inihaing House Resolution No. 13 ng Makabayan bloc, iginiit nito na dapat mag-convene ang Kamara at Senado at ipawalang-bisa ang Martial Law.
Sa panig ng Malacañang, nagpasalamat naman ito sa suporta ng mga senador.
“We thank the Senate for its resolution expressing support to the President’s declaration of Martial Law in Mindanao,” ani Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Binigyang-diin ni Abella na naging maagap ang pagdedesisyon ni Duterte na pigilin ang ligalig at karahasan sa Marawi City gayundin ang pagkalat nito sa iba pang mga probinsya sa Mindanao.