150 motorcycle, 485 bullet proof vest sa pulis-Kyusi

Upang mas mapag-ibayo pa ang peace and order sa Lungosd Quezon, pinagkalooban ni Mayor Herbert Bautista ang kapulisan na nasa ilalim ng kanyang hurisdiksiyon ng mga bagong bullet proof vest at motorcycle sa ginanap na turn–over ceremony na ginanap sa Camp Karingal sa Sikatuna Village kahapon ng umaga.

Personal na ibinigay ng alkalde ang 150 unit ng Indoro Motorcycle at 485 bullet proof vest kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar bilang karagdagang kagamitan ng kapulisan laban sa kriminalidad sa Lungsod.

Ayon kay Bautista, tungkulin ng lungsod na punuan ang logistikong pangangailangan sa kampanya ng QCPD laban sa kriminalidad partikular ang paglaban sa iligal na droga at terorismo na siyang pryoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kapayapaan at pag-asa ng bansa.

Sinabi naman ni Eleazar na isang hamon ang pahayag ng alkalde dahil ang naturang mga motorsiklo ay bubuing QCPD task force anti – riding criminal at ipapamahagi sa 12 Police Station para sugpuin ang riding – in tandem syndicate sa Lungsod.

Nabatid na isusunod namang ipagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang karagdagang 1,000 helmet, 1,000 rain coat at 509 glock na baril.

idinagdag pa ni Bistek na magpapagatayo pa siya ng tatlong karagdagang Police Station at mga command center para sa mabilis na pagresponde sa mga kasong kriminal.

Kasunod ng pasasalamat ng QCPD, agad namang nagpatawag ng command conference si Eleazar para tugunan ang hamon ng QC govt. para labanan ang kriminalidad sa Lungsod.