May 150 sundalo ang ipoposte sa iba’t ibang barangay sa ipatutupad na hard lockdown simula ngayon alas- 8:00 ng gabi na magtatapos sa Abril 25 ng alas- 8:00 ng gabi sa Sampaloc Disrict, Maynila.
Ang mga sundalo ay makakasama ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at barangay sa pagbabantay at sa panghuhuli ng mga pasaway.
Ang hard lockdown ay ipatutupad para bigyang daan ang surveillance,testing at swabbing sa mga residenteng pinaghihinalaang apektado ng COVID19.
Ito ay makaraang iulat na ang Sampaloc District ang may pinakamaraming bilang ng mga nagpositibo sa COVID19.
Una nang nilagdaan ni Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ Domagoso ang Executive Order 21 para sa ipatutupad na lockdown sa Sampaloc.
Ayon kay Moreno, apat na covered court ang inihanda ng pamahalaang lokal para pagdalhan sa mga mahuhuling lalabas sa gitna ng ipinatutupad na `hard lockdown” sa mga barangay gaya ng Barangay 146, 420, 424, 405.
Sa panahon ng lockdown sususpendihin muna ang quarantine pass ID, lahat ng commercial, industrial at iba pang aktibidad sa nabanggit na lugar.
Ang mga itinuturing lamang na frontliners ang mga papayagan na lumabas sa kalsada.(Juliet de Loza-Cudia)