Nasa 15,000 katao na potensyal na may dalang COVID-19 ang pinaghahanap ngayon ng gobyerno para maisailalim sa virus testing .
Sa panayam kay National Task Force COVID-19 Response Chief Implementor Carlito Galvez Jr., sinabi nito na base ito sa hawak na datos ng Department of Health (DOH) tungkol sa bilang ng mga positibo at nasasawi sa virus.
“Meron pa kaming 15,000 na hinahanap. ‘Yun ang parang nakita natin, ‘yung 15,000 na ‘yun ang tinatawag natin na backlog natin in real sense ,” sabi pa nito sa interview sa dzMM.
Ipinaliwanag ng DOH na ang tinatawag na `suspect ‘ ay isang tao na may sintomas ng sakit na mula sa isang ospital o nagkaroon ng exposure sa isang kumpirmado o probable carrier.
Ito ay nasa ilalim ng bagong klasipikasyon ng DOH kungsaan tatawaging `suspect’ ang mga hindi nasuri o na-test habang `probable’ ang mga nanghihintay ng resulta ng test at `confirmed ‘ ang mga may positibong resulta sa Covid testing.
Mula sa nabanggit na bilang, nasa 5,000 hanggang 8,000 umano ang nasa Maynila, sabi ni Galvez.
Binanggit pa ng opisyal na bumili ang gobyerno ng isang milyong test kit upang masuri ang mas maraming ` suspect’ na posibleng nahawa ng virus.
Nauna nang unamin ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nakakdang bumili pa ng mas maraming test kit ang DOH na maaring tumagal ng 3 buwan .