152 baboy nagpositibo sa African Swine Fever

Kinatay ang 152 bilang na baboy ng Department of Agriculture-Region 2 (DA-R2) matapos na magpositibo ang mga ito sa African Swine Fever (ASF) sa Barangay Raniag Ramon, Isabela.

Ayon kay DA-R2 regional director Narciso Edillo, maging sila ay nabigla dahil sa hindi inaasahang pagkakaroon ng ASF matapos na matagumpay na makontrol ng pamahalaang lokal ng rehiyon ang galaw ng mga tao dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ).

Sinabi ni Edillo na una silang nakatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen kaugnay sa isang piggery na namatayan ng mga alagang baboy noong April 28, 2020.

Bilang pagtugon, ang DA-R2 kasama ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Ramon ay sumalakay sa piggery nang hindi umano papasukin ng hog raiser.

Dito, agad kinunan ng blood samples ang mga baboy at nang magpositibo sa ASF virus ang nasa 152 na alaga ay agad na isinailalim sa culling. (Allan Bergonia)