16-anyos nakabangga na, nanaksak pa

Arestado ang 16-anyos na binatilyo nang saksakin sa dibdib ang 27-anyos na ama na sumita sa kanya dahil binangga umano nito ang anak ng huli sa Intramuros, Maynila kamakalawa.

Sinampahan ng kasong frustrated murder ang menor de edad na dinala na sa Manila Youth Recreation Center. Isinugod naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Jule Fuentes, 27, merchandiser, at taga-Brgy. 655, Zone 69, District V.

Naganap ang insidente alas-otso ng gabi sa loob ng Maisan Compound, Cabildo Street. Sa imbestigasyon nina PCpl Nasser Ismael at PCpl Cathyren Fermo ng Manila Police District-PS5,pinaliliguan umano ng biktima ang kanyang anak sa eskinita nang dumaan ang suspek at mabangga ang kanyang anak.

Nagsalita umano ang biktima ng, “Pre dahan dahan lang” pero sa halip na humingi ng dispensa ay naghamon pa ang binatilyo saka nagmamadaling umalis sa lugar. Pero bumalik ito makalipas ng ilang minuto at armado na ng patalim, kaagad niyang inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima.

Hinabol ng mga nakasaksing residente ang tumakas na binatilyo, hanggang sa makorner at maaresto ng mga opisyal ng barangay. (Juliet de Loza-Cudia)