Hindi pa lumilipas ang mga katagang binitiwan ni Dubai Sheikh Mohammed tungkol sa malamang na pagtataas ng papremyo sa susunod na Dubai World Cup para makuha muli ang titulong “pinakamayamang karera sa buong mundo,” may nakahanda na kaagad na kasagutan ang pinakamahigpit nitong karibal.
Nitong Biyernes ay nagpahayag ang Stronach Group na nakatakda na nitong taasan at gawing $16-million (P800-million) ang susunod na Pegasus World Cup Invitational Stakes. $12-million ang ipinamahaging papremyo sa inaugural staging ng pakarera.
Tiyak na mape-pressure nito si Sheikh Mohammed na higitan pa ang papremyo kung gusto niyang maibalik sa Dubai World Cup ang titulong kinuha ng Pegasus World Cup noong Enero sa Gulfstream Park na pag-aari ng The Stronach Group.
Ang dati nang papremyong $10-million ang ipinamudmod sa nakaraang Dubai World Cup nitong Marso kaya nagsalita si Sheikh Mohammed na may posibilidad na taasan niyang muli ang papremyo nila para maibalik sa kanyang pakarera ang titulo.
Parehong napanalunan ng pamosong Arrogate ang dalawang pinakamalaking karera kaya pati siya ay itinanghal nang pinamakayamang kabayo sa buong North America. Kung hindi magkakaroon ng diperensya, inaasahang sasalihan niyang muli ang dalawang malaking karera dahil napakabata pa nito para magretiro.
Sa 2018, ang The Stronach Group ang papasan ng karagdang $4-million sa papremyo.
Sa Enero 27 ang ikalawang edisyon ng Pegasus World Cup doon uli sa Gulfstream Park. Lahat ng 12 posisyon ay binili ng $1-million bawat isa ng mga investors na siya namang magsasali ng kani-kanilang mga kabayo.