Nasa 16 ang bilang ng ‘ninja cops’ na may koneksyon umano sa drug syndicate na nag-o-operate sa Metro Manila, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Ge­neral Guillermo Eleazar.
Ibinunyag ni Eleazar ang impormas­yon sa pakikipagpulong nito sa 44 pinuno ng police drug enforcement unit sa rehiyon.
Siyam umano sa mga ito ay patay na, dalawa ang retirado, 2 ang dinismis, dalawa ang nag-AWOL habang isa ang nakakulong.
Limang operasyon na umano ang isinagawa ng pulisya laban sa sindikato na pinapatakbo ng isang drug queen na kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang nasabing drug queen ay taga-Sampaloc, Maynila at kasalukuyang nasa labas ng bansa. May kapatid umano itong ninja cop na nasibak sa serbis­yo. Dati umanong barangay chairman ang asawa nito.
Naniniwala ang mga awtoridad na may kasabwat na sibilyan at mga government official ang nasabing drug queen.
Papangalanan ni Duterte
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang maglalabas ng mga pa­­­ngalan ng mga tinaguriang ninja cop o mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng mga iligal na droga na nakumpiska sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, kino-consolidate at pinapa-cross validate lang umano ng Pangulo ang listahan ng mga ninja cop bago ang kanyang announcement tungkol dito.
Samantala, inaprubahan na kagabi ng Senado ang mosyon para bigyan ng kapangyarihan ang Blue Ribbon at Justice and Human Rights committee na isiwalat ang impormasyon sa huling executive session kung saad ibinunyag ni da­ting Criminal Investigation and Detection Group chief Benjamin Magalong ang mga pulis na sangkot sa ‘agaw-bato’ scheme.(Dindo Matining/Armida Rico)