Sa 45 na taong kasaysayan ng PBA, 15 na players pa lang ang mga nakaiskor ng at least 10,000 points sa kani-kanilang mga career.
Si Fortunato “Atoy” Co Jr. ang pinakaunang naka-10k points at ito’y kanyang nagawa noong May 1, 1984 habang naglaro para sa Crispa at kontra guest team Northern Consolidated.
Pinangunahan ng Fortune Cookie ang pito lang sa mga pioneer ng liga na umabot ng 10,000 pts. Ang iba pang mga nakarating doon mula sa mga kasamang nagsimula sa liga noong 1975, at ayon sa pagkasunod-sunod na pagpasok sa 10,000-point club ng PBA, ay sina Ramon Fernandez, William “Bogs’ Adornado, Francis Arnaiz, Philip Cezar, Alberto “Abet” Guidaben at Robert “Sonny” Jaworski Sr.
Pagkatapos ng unang grupong iyan ay anim na taon muna ang lumipas bago pinangunahan ni Allan Caidic ang second wave ng anim na mga sumunod na nakatapak sa 10,000-pt club ng liga noong Oct. 27, 1995 habang naglalaro para sa San Miguel Beer kontra Purefoods.
Si Caidic ay sinundan nina Alvin Patrimonio, Jojo Lastimosa, Nelson Asaytono, Benjie Paras at Jerry Codinera.
Pero pagkatapos ni Codinera na iniskor ang kanyang ika-10,000th puntos noong Apr. 1, 2001 sa isang Mobiline vs Shell game, mahigit 16 taon bago may sumunod sa kanya at ito’y si James Yap ng Rain or Shine kontra Meralco noong July 27, 2017. Pagkatapos ay sinundan siya ni Mark Caguioa noong Oct. 5, 2018 sa isang Brgy. Ginebra kontra NLEX na laro.
Sina Yap at Caguioa pa lang ang mga nakapasok sa 10,000-point club mula sa third generation ng mga miyembro ng elite ng grupong ito.
Ang nakapagtataka, bagamat alam naman ng lahat na medyo angat sa homegrown locals sa kanilang taas, lakas, liksi at pinagdaanang mga training at kompetisyon sa ibang bansa, ni isang Fil-foreign player ay walang nakapasok o kahit man lang malapit ng pumasok sa mga ito.
Ang pinakamataas sa Fil-foreigners sa all-time scoring ay si Asi Taulava ng NLEX sa kanyang 8,530 lang. Pa-retire na ngayong season, o baka retired na kung sakaling mawala na ang season dahil sa Covid-19, malabo ng umabot sa 10k points si The Rock.
Bakit ni isang Fil-foreign player ay wala sa elitistang stats milestone group na ito, ang tingin ko ay dahil mas grabe na ang scouting sa mga team at player ngayon kung kaya’t mas matindi na ang depensa sa liga.
Pangalawa, ang mga nasabing Fil-for player ay karamihang naabutan at naglaro kabilang sa 2004-05 hanggang 2009-10 seasons ng liga kung saan may dalawang conferences lamang sa isang season at mas kakaunti ang laro.
Bukod dito ay hindi pa malamang naging consistently umaabot sa playoffs ang mga koponan nila, hindi tulad ng mga naunang miyembro ng 10k-point club.
Ang inaasaang susunod na magiging miyembro ng PBA 10,000-point ay si Arwind Santos ng San Miguel Beer na 666 puntos pa ang kailangan.
Susunod sa kanya ay ang teammate na si Alex Cabagnot, pero malamang mas matagal dahil hindi pa nga ito umaabot man lang ng 8,000 (7,996 to be exact).
***
PAHABOL: Mahirap ang magdiwang ng mga kaarawan sa ganitong panahong lockdown dahil sa bahay lang talaga lahat ng tao. Pero sana naging masaya pa rin ang kaarawan nina Veldandie Dela Cruz (Apr.5) at Yvoh Patawaran (Apr. 7) ng San Roque, Baliwag, Bulacan, lady sportswriter legend Tessa Jazmines ng UP (Apr. 6), trimedia man Dennis Principe (Apr. 6) at former PBA coach Ryan Gregorio (Apr. 7). Happy birthday po sa inyo!