Nailigtas ng Thailand Navy ang 16 Filipino seafarers matapos ma-stranded sakay ng barko na inabandona ng kumpanya nito sa nasabing bansa.
Sa ulat ng Thai PBS, nasagip ang nasabing Pinoy seamen habang sakay ng Liberia-registered freighter na Panomitis na nakitang palutang-lutang sa karagatan sa Si Chang island sa Chon Buri.
Base sa pahayag ng ilang crew members, ilang buwan nang hindi nababayaran ang mga ito ng kanilang kumpanya at inabandona na lamang sa loob ng nasabing barko hanggang sa naubusan na ang mga ito ng pagkain at inumin.
Nagawa lamang mabuhay ng mga ito sa pamamagitan ng tulong mula sa ilang non-governmental organization (NGO) hanggang sa masagip ng mga opisyal ng Royal Thai Navy, ng marine police, immigration, at labor departments.
Ayon kay Police Maj-Gen. Kraiboon Suadsong, staff member ni Deputy Prime Minister Prawit Wongsuwan, isasailalim sa masusing imbestigasyon ang nasabing Filipino sailors kung biktima ang mga ito ng human trafficking o hindi.