Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang may 160 dayuhang sex offender mula sa iba’t ibang mga internasyunal na paliparan na makapasok ng bansa noong 2019.

Sa ulat na ipinarating kay BI Commissioner Jaime Morente, ang bilang ng mga registered sex offender (RSO) na tinanggihang makapasok noong nakaraang taon ay bahagyang tumaas kaysa sa 145 dayuhan na naharang noong 2018.

Ang mga RSO na pinigil sa mga paliparan ay agad na pinabalik sa kanilang pinanggalingan.

Ipinaliwanag ng BI na ang batas ng imigrasyon ng bansa ay malinaw na nag-uutos sa pagbubukod sa mga dayuhang nahatulan bunsod ng kanilang kinasangkutang krimen.

Ang RSO ay tumutukoy sa isang dayuhan na napatunayang may kasalanang seksuwal sa kanyang bansa, na natapos ang pagsisilbi ng kanyang sentensiya.

Karamihan ay mga kinasuhan ng pedopilya at napatunayang nagkasala ng panggagahasa o nakiki­pagtalik sa mga menor de edad. (Mina Aquino)