Mag-empleyo ng mas maraming drayber-mekaniko para mamantine ng maigi ang mga sasakyan ng mga pulis.

Ito ang hirit ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa Philippine National Police (PNP) para mamantine ng maigi ang 15,170 police car.

“Ang perception kasi ng tao mukhang mabilis malaspag ang mga sasakyan na binili ng PNP o binigay sa kanila. Bakit ang kotse ginawang taxi or van na pinamasada, na mas mahaba pa ang tinakbo, mas tumatagal kesa doon sa pag-aari ng ating pulisya?“ ani Andaya.

Ang ieempleyong drayber-mekaniko aniya ang mga tinatawag na force-maximizer.

Binanggit ni Andaya na noong nakaraang taon ay mayroong 11K sa plantilya ng PNP kumpara sa 181K uniformed personnel.

“Yung sa NUP nga may bakante na 1,648. Hindi lahat napunuan. Kung may bakante pa rin ito i-earmark na natin sa mga driver-mechanics,” sabi pa ni Andaya.

Nabatid na ang PNP ay mayroong 7,083 pat­rol car at jeep, 4,683 motorsiklo, 301 bus, 680 truck at personnel carrier, at 287 specialized vehicles.