Mag-iisang linggo nang walang suplay ng tubig ang Manila Water sa ilang bahagi ng Eastern Metro Manila at partikular na mas apektado ang Mandaluyong City kung saan halos lahat ng barangay sa District 1 at 2 ay walang tubig habang ang ilan ay mahina ang suplay ng tubig.
Umaabot sa 17 barangay ng Mandaluyong ang walang tubig habang ang iba ay mayroong mahinang tulo sa kanilang mga gripo.
Ayon kay Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos, halos araw-araw at oras-oras ay nag-iikot sila para mabigyan ng sapat na tubig na magagamit ang mga residente.
Tumutulong na rin aniya ang mga bumbero sa pagrarasyon ng tubig sa mga residente.
Kabilang umano sa 17 barangay ng Mandaluyong na walang tubig ay ang Addition Hills, Barangka Drive, Barangka Ibaba, Barangka Ilaya, Barangka Itaas, Highway Hills, Hulo, Mauway, Namayan, Plainview, Pleasant Hills, Wack-Wack Greenhills, Bagong Silang, Buayang Bato, Hagdang Bato Itaas, Hagdang Bato Libis, at Namayan.
“Tulong-tulong kami dito para maserbisyuhan ang mga residente at ang kawalan ng supply ay dahil sa pagbaba ng lebel ng La Mesa Dam na tiyak namang tataas iyon at magkakaroon naman ng tubig,” ayon naman kay Mandaluyong Police chief Sr. Supt. Moises Villaceran.
Hiling naman ng mga residente na sana ay umulan para madagdagan ang tubig sa La Mesa Dam upang hindi na sila mahirapan sa tubig.
Maging ang dalawang malaking mall sa Mandaluyong na SM Megamall at Forum Robinsons ay apektado rin ng water shortage.